‘DI LAMANG ISANG PALIBANGAN. ‘DI LAMANG ISANG PALARUAN
Internet. Facebook. Twitter. Tumblr. Google. Yahoo. Ilan lamang ito sa mga kinagigiliwan ng nakararami sa atin. Marahil ay pati ikaw ay gumagamit ng isa o iilan sa mga nabanggit. Ano ba ang kadalasan nating ginagawa sa mga nasabing “social networking sites”? Oo, malimit tayo ditong makipag-komunikasyon sa iba’t ibang tao. Bagamat idinadaan lamang natin sa pagtipa ang ating mga reaksyon, pananaw o opinyon ukol sa isang bagay, isa na itong paraan upang masabi natin ang ating mga nais. Ang Internet ang magsisilbing “Mendiola” natin. Ito din ang tulay tungo sa malayang pagpapahayag ng ating mga sarili. Ang akdang, “Nang Maging Mendiola Ko Ang Internet dahil kay Mama” ang isa sa mga nakapukaw ng aking isipan. Tayo nga ay binigyan ng bibig upang makapagsalita subalit isinasaad nito na hindi lamang ito ang natatanging paraan upang masabi natin ang ating mga saloobin. Nariyan naman ang Internet na siyang “konek” natin sa mundo. Ang pagsasabi ng ating reaksyon ay nararapat lamang na walang hinihinging diskriminasyon dahil tayo ay may mga indibidwal na karapatang magpahayag ng ating nais. Lahat ng mali ay maaari nating maiayos. Nga lang, sa pagsasabi natin ng ating mga reaksyon, sa tingin ko’y nariyan pa rin ang kaukulang responsibilidad. Ibig sabihin, panindigan natin ang ating mga winiwika.
Bilang karagdagan, kaming kabataan, nararapat lamang na sa murang edad ay nabibigyan na kami ng kaukulang pansin pagdating sa pagpapahayag ng aming ninanais. Di ba’t binansagan kaming PAG-ASA ng bayan? Paano naman kami makapagbibigay ng pag-asa kung patuloy na hahadlangan ang aming mga opinyon? Sana’y kalimutan na natin ang konseptong kaming mga kabataan ay nagtataglay lamang ng mga maliliit na tinig na kadalasan ay wala namang kabuluhang maidudulot sa kasalukuyang sitwasyon ng ating bansa at ng ating mga kababayan. Tandaan na kahit maliit, mulat na ang aming mga musmos na isipan sa mga usaping pambansa. Walang sinuman na maaaring makapag-dikta ng nais naming ipahayag. Kami ay may kanya-kanya ding perspektibo sa iba’t ibang sitwasyon. Marahil sa mata ng nakararami, ang Internet ay isang palibangan lamang. Sila ay nagkakamali. Isa itong “Mendiola” na kung saan may karapatan ang bawat isa na makapagsalita. Hindi lamang ito isang palaruan. Isa itong daan upang matigil ang mga paglalaro’t pagsasawalang bahalang ginagawa ng nakararami lalo na yaong mga may kapangyarihan. Kadalasa’y sa Internet makikita ang huwad na katotohanan ngunit dahil nga sa mga nilalang na takot makitaan ng itim na budhi, ang Internet tuloy ang binansagang trono ng kasinungalingan.Mendiola ko na ang Internet at sa akin magsisimula ang panibagong konseptong, “Ito na ang malayang kalsada na kung saan kami ay nagpapalitan ng iba't iba naming reaksyon at kuro-kuro sa mga maiinit na isyu at pangkasalukuyang kaganapan ng ating lipunan.” Ang Internet ay mananatiling buhay at makabuluhan kung ito ang magsisilbing susi natin sa pamamahayag ng ating mga sarili. Mahalaga ang tinig ng sambayanan, bata man o matanda, mahirap man o mayaman, dapat lamang na tayo ay bigyan ng pagkakataong maipahayag ang ating mga sarili. Magsimula na tayo. Kumilos. Magpahayag. Baguhin ang mga gawing pumipigil sa pagsulong ng kaunlaran ng ating bansa. Ang pagbabago ay nasa ating mga sarili at walang sinoman na makapagdidikta ng ating mga saloobin na alam nating makakatulong ng malaki sa nag-iisang Perlas ng Silangan.
- Vanessa Kate S. Manzano.
No comments:
Post a Comment