Mga Tula


 Kayamanang Nawalay Sa Aking Kanlungan

Vanessa Kate S. Manzano

Ang pagkakaibigan natin ay parang isang misteryo,

Puno ng mga biro’t pagtitinginang totoo.

Ngunit, kailangan ba talagang magwakas ang sumpaan

Ng dalawang matalik na magkaibigan?











 











O kaibigan, isa kang tula
Ika’y marikit, ubod ng talinhaga!

Subalit ang kariktan ng ating pagpapahalaga

Sa isa’t isa’y tila naglaho na.
Isa kang bituin sa gabing madilim
Ikaw ay isang tala sa takip-silim.
Ngunit sadyang mapaglaro ang ating tadhana

Ika’y biglang nawala, mistulang isang bula.


Kawangis ng isang alamat ang ating kwento
Hindi mabatid ang pinagmulan nito.
Subalit, kailangan mong malaman ang sinisigaw
Ng tinig ng ating pagkakaibigang naligaw.


Ang iyong pag-alis ay librong pilit na sinara
Nang dahil sa iyong pagkawala, ako’y sadyang nagdusa!
 
O mahal kong kaibigan, ano ba talaga ang dahilan
Ng iyong masinsinan at madamdaming paglisan?
 
O giliw, ang isang kaibigang tulad mo
Ay hindi ko kayang ipagpalit sa kahit na ano.
Sa buhay ko’y isa kang anghel mula sa langit
Na walang katumbas o anumang kapalit!
 
 
Batid ko na walang tumatagal sa mundong ibabaw
Tayo ay tulad ng isang lamparang mapanglaw.
Kung dati’y nagniningas at umaalab ng husto,
Ngayo’y tila huminto na… iyon ba ang iyong gusto?
 
 
 
Alam ko na ika’y hindi na muling babalik pa
Alam kong masaya ka na sa piling ng iba
Subalit, sana ito’y iyong tatandaan
Tanggap pa rin kita, sa kabila ng hidwaan.

 
Buhay Ko'y Ikaw
Vanessa Kate S. Manzano
Inay, ikaw ang tanglaw ng aking buhay
Ikaw ang sinasabing ilaw ng bahay.
Pag-ibig mo ay tunay na walang hanggan
O inay, langit na ang ika’y mahagkan.
 
Ikaw ang nagbibigay ng aking saya
Araw-araw inay, ikaw ang ligaya.
Pagmamahal mong alay ay laging sapat
Kaya inay ito’y tandaan mo dapat:
 
Ikaw ang bituing nagniningning sa dilim
Ika’y aking liwanag sa takip-silim.
Kaya kong ibigay ang lahat sa iyo
Sapagkat inay mahal kitang totoo.
 
Maraming beses man akong nadarapa
Nandyan ka pa rin na darating ng kusa.
O inay, sa’yo ko lamang nadarama
Ang pagkalingang kay tamis at kay ganda!
 
O inay, ikaw ang aking kayaman
Kahit ano’y hindi ka kayang tumbasan.
Ano mang unos ang dumating sa akin,
Ikaw lang ang ina na para sa amin.
 

No comments:

Post a Comment